Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang blog na ito. Andaming ideya ang nasa aking isipan. Nagpupumiglas at umaalingawngaw. Heto ako ngayon upang ibahagi sa inyo ang aking kuwento tungkol sa isa sa mga malalaking bahagi ng aking buhay.
Bilang panimula, ipapakilala ko muna ang aking sarili sa inyo. Ako pala si Edward John. Alinman sa dalawang pangalan ko ay maaaring ninyong gamitin. Pero yung tumatawag sa akin ng Edward ay mga kakilala ko lang at minsan, mga kaibigan. Habang yung John eh, mga matalik kong kaibigan simula pa noong nagkaisip ako. Nag-aaral ako ngayon sa isang kolehiyo dito sa Davao City at kinuha ang kursong Bachelor of Science in Customs Administration. Sa kabutihang palad ay nakakapasa rin naman ako. Isa ako sa mga tinatawag na working scholars. Nagtatrabaho ako sa unibersidad sa umaga at nag-aaral sa gabi. Ang kadalasang oras ng aking pag-uwi ay mga bandang alas-diyes ng gabi. Hindi ko nga alam kung bakit ako nakatiis sa ganitong sitwasyon. Siguro nga eh sa kagustuhan kong maka-graduate ng kolehiyo, makahanap ng maganda at disenteng trabaho at higit sa lahat makaahon sa maralitang buhay na ito. Ito ang aking inspirasyon.
Di naman masyadong mahirap ang trabaho ko, para nga lang akong nagbabantay ng isang internet cafe, nasa Electronic Library kasi ako naka-assign (ELib kung tawagin). Dito, nakakapag-research ako online, nakakapag-encode ng mga dokumento tulad ng assignments, nakakapagpatugtog ng mga nakahiligan ko mga music, at higit sa lahat nakakapag-Facebook.
Sa tuwing mag-oonline ako, lagi talaga akong may wall post araw-araw, mapa-picture man o video, plain text o hyperlink (link). Pero nandoon pa rin ang focus ko sa aking pag-aaral. Facebook at text messages lang kasi ang nagpapabuhay sa aking tuyong lovelife. Minsan nga kahit personal na at nonsense eh, pino-post ko pa rin. Wala kasi akong magawa. Isang araw ay nag-post ako ng lyrics para makaagaw ng pansin sa mga adik rin sa music tulad ko. Ganito ang post ko:
Cause I'm a zero to 60 in 3.5
Baby you've got the keys
[guess the lyrics and the artist as well].
Lumipas ang ilang minuto ay may nag-comment, tinignan ko kung sino ngunit hindi ko kilala. Pamilyar ang pangalan pero hindi ko masyado maaninag ang kanyang larawan (thumbnail lang kasi). Nang binuksan ko ang page ay nagulantang ako sa aking nakita. Isang di ko talagang kilala na ginoo ang nag-comment ng sagot niya. Sabi niya: Shut up and drive by Rihanna (at naka link pa ang panagalang Rihanna, palatandaang ni-like niya yung official Facebook fan page ng nasabing singer). Itago natin siya sa pangalang Dale. Itong Dale na ito ay friend ko sa naturang social networking site ngunit hindi ko siya kilala sa personal na buhay. Gwapo siya, kamukhang-kamukha ni Dino Emperial at may matangos na ilong. Nagdalawang-isip ako kung siya ba nga yung nasa picture pero hindi ko na muna siya tinanong tungkol doon, sa halip ay nagbigay na naman ako ng isa pang lyrics upang siyasatin kung hanggang saan ang alam niya. At ulit ay hindi ako makapaniwala sa galing niya. Nasasagot niya lahat ng tama at hindi aabot ng dalawang minuto bago siya makareply. Alangan naman na i-search niya yung lyrics sa loob ng dalawang minuto? Hindi rin naman siya magsasayang ng oras na mag-reply kung wala talaga siyang interes. At hindi rin siya mag-rereply ng basta basta kung hindi niya alam ang mga pinagsasabi niya. Nakaiilang lyrics na rin ako noong mga panahong iyon, sa palagay ko eh sampu na at lahat ng iyon ay nasasagot niya ng tama. Doon na ako nagkaroon ng lakas ng loob na tanungin siya tungkol sa kaalaman niya sa music.
"Weeh, hindi lahat ng pinagtatanungan ko niyan ay nasasagot lahat ng tama... ikaw lang? Totoo ba talaga yung mga sagot mo o nag-search ka lang ng lyrics sa Google?"
"I'm just a music lover, that's all. I am not cheating you. What for?", sabi niya.
Natuwa ako sa kanyang sinabi. Parang hindi totoo pero nangyari na.
No comments:
Post a Comment